-- Advertisements --

Nagpaabot ng kahandaang tumulong ang Philippine Navy sa US Navy, kasunod ng pagbagsak ng eroplano ng Amerika sa Philippine Sea.

Ayon kay Philippine Navy Spokesman Capt. Lued Lincuna, inalerto na ng Philippine Navy ang kanilang mga aircraft at barko kung sakaling kakailanganin ng US Navy ng tulong.

Nalungkot umano si Capt. Lincuna sa pagbagasak ng naturang eroplano na may sakay na 11 pasahero at crew.

Sa huling report ng US Navy kagabi, na-recover na nila ang walong sakay ng eroplano at kasalukuyang nasa maayos na kalagayan ang mga ito sa US aircraft Carrier USS Ronald Reagan.

Hanggang kagabi ay patuloy ang paghahanap ng US Navy sa tulong ng Japan Maritime Self-Defense Force sa tatlo pang natitirang sakay ng eroplano.

Ang C2-A Greyhound aircraft na sangkot sa insidente ay nagsasagawa ng routine transport flight mula sa Marine Corps Air Station Iwakuni patungo sa USS Ronald Reagan na nasa Philippine sea, nang bumagsak ito sa karagatan 500 nautical miles southeast ng Okinawa, Japan.

Nakatakdang magsagawa ng imbestigasyon ang US Navy sa naging sanhi ng pagbagsak ng eroplano.