Inalmahan ng Philippine Navy ang akusasyon ng China sa Philippine Navy Corvette na BRP Apolinario Mabini na iligal umanong pumasok sa Scarborough shoal.
Ayon sa Philippine Navy nitong Lunes, Abril 21, awtorisado ang mga barko ng Pilipinas na i-challenge ang anumang mga barko na nasa loob ng West Philippine Sea.
Ginawa ng PH Navy ang pahayag matapos paratangan ng Southern Theatre Navy ang Philippine frigate ng umano’y iligal na pagpasok sa kanilang karagatan na seryosong paglabag umano sa soberaniya at batas ng China.
Sinabi din ng Chinese Navy na sinubaybayan at itinaboy umano nito ang barko ng PH.
Subalit ayon kay Navy spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, parte ito ng pagsisikap ng China para baluktutin ang impormasyon para sa kanilang internal audience.
Saad pa ng opisyal na tanging ang Philippine Navy at iba pang Philippine-flagged law enforcement ships ang may awtoridad at legal na basehan para i-challenge ang anumang barko sa loob ng maritime zones.