Ipapadala ng Philippine Navy ang landing dock para sa ika-29 na biennial Rim of the Pacific Exercise (RIMPAC) na isasagawa mula June 26 hanggang Agosto 2 sa Hawaii.
Ayon kay Philippine Navy spokesperson Commander John Percie Alcos ngayong araw na isasagawa ang send-off ceremony para sa barko sa Naval operating base sa Subic, Zambales sa Hunyo 2.
Ang Pilipinas ay kabilang nga sa 29 na mga bansa na kalahok sa naturang pagsasanay.
Ayon kay Commander Alcos, napakahalaga ng naturang drills dahil lahat ng mga bansa sa ilalim ng alyansa ng amerika ay lalahok sa pagsasanay.
Ito rin ang isa sa pinakamalaking naval exercises sa buong mundo na nagsimula noong 1971.
Ayon sa US Pacific fleet, aabot sa 40 surface ships, 3 submarines, 14 national land forces at 150 aircraft ang kalahok sa pagsasanay.
Maliban pa sa Pilipinas, kasama din sa naval exercise ngayong taon ang navy mula sa Australia, Brazil, Brunei, Canada, Chile, Colombia, Denmark, Ecuador, France, Germany, India, Indonesia, Israel, Italy, Japan, Malaysia, Mexico, Netherlands, New Zealand, Peru, Singapore, South Korea, Sri Lanka, Thailand, Tonga, the United Kingdom, at US.