Itinanggi ng Philippine Navy ang claim ng China na na-okupa o nakubkob na nito ang Sandy Cay na tinatawag nito bilang Tiexian Reef sa disputed waters o pinag-tatalunang karagatan.
Sa isang panayam, iginiit ni Philippine Navy spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na layunin lamang ng claim ng China na mailihis ang atensiyon ng publiko sa gitna ng mga alegasyon kaugnay sa mga ispiyang Chinese sa bansa at troll farm na hi-nire ng Chinese Embassy sa Maynila noong 2023.
Ayon pa sa opisyal, walang nakita sa Sandy Cay nang puntahan ng Philippine Navy kasama ang Philippine Coast Guard, Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at iba pang ahensiya ang naturang lugar at nagawa aniya nilang pabulaanan ang pinapalabas na larawan kung saan ibinandera doon ang bandila ng China.
Saad pa ng PN official na hindi din nakalagay ang petsa kung kelan kinuha ang naturang larawan.
Bagamat may mga namataan aniyang apat na China Coast Guard vessels at 19 na maritime militia vessels malapit sa Sandy Cay.
Ginawa ng PN official ang paglilinaw matapos ihayag ng China na naagaw nito ang kontrol sa Sandy Cays na parte ng Spratly Islands.
Tiniyak naman ni RAdm. Trinidad ang patuloy na pagbabantay ng pwersa ng Pilipinas sa Sandy Cay.