Nilinaw ng pamunuan ng Philippine Navy na hindi nasunog ang kanilang offshore patrol vessel na BRP Gregorio del Pilar (PS-15) matapos makitaan ng makapal na puting usok mula mismo sa barko.
Ito’y habang nagsasagawa ito ng sea trial sa karagatan ng Subic, Zambales nitong Lunes ng umaga, March 14.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Philippine Navy spokesperson Commander Benjo Negranza, walang katotohanan na nasunog ang kanilang barko sa kabila ng pagbuga ng makapal na usok habang ongoing ang sea trial.
Ayon kay Negranza, inaalam na ng kanilang ship’s force kasama ng kanilang engineers at kinontratang repair specialist kung ano ang posibleng sanhi ng pagbuga nito ng makapal na usok.
“While the more-than-usual smoke was noted during the sea trial, there is no incident of fire aboardship as alleged. The ship’s force, together with our engineers and contracted repair specialists, are looking at the possible cause of the unusual volume of smoke,” mensahe na ipinadala ni Cdr. Negranza sa Bombo Radyo.
Sinabi ng opisyal na ang isinagawang sea trial ay siyang panukat ng seaworthiness ng PS-15, matapos sumailalim ito sa repair bunsod ng pagkakasadsad nito sa may bahagi ng Hasa-Hasa Shoal nuong August 2018.
Dahil sa insidente, isa sa dalawang variable pitch propellers ng barko ang nasira kasama ang propeller hub nito.
Dagdag pa ni Negranza, patuloy sa pakikipag-ugnayan ang Philippine Navy sa U.S. Naval Sea Systems Command (NAVSEA) para masiguro ang kahandaan ng warship na BRP Gregorio del Pilar PS-15 .
“Said sea trial was conducted to gauge the seaworthiness of PS15 following its repair after the grounding incident in 2018. The Philippine Navy continues to collaborate with the U.S. Naval Sea Systems Command (NAVSEA) to ensure PS15’s readiness.
Rest assured that the Philippine Navy is vigorously pursuing the repair of BRP Gregorio Del Pilar as we endeavor to make her ready and operational again,” dagdag pa ni Cdr. Negranza.
Taong 2011 nang kumpirmahin ng Philippine Navy ang pagbili nito sa ex-US Coast Guard Hamilton-class high-endurance cutter sa ilalim ng “Ocean-going Escort Vessel” project sa pamamagitan ng US Excess Defense Article program.