-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine Navy (PN) ang pagdaan ng Chinese Research vessel na Lang Hai 101 sa silangang parte ng baybayin ng Palawan noong Linggo, Pebrero 9.

Sa isang statement, sinabi ni PN spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na agad natukoy ang presensiya ng barko ng China sa pamamagitan ng Littoral Monitoring Station (LMS) Melville.

Agad namang inisyuhan ng radio challenge ang barko ng China kaugnay sa presensiya nito sa katubigan ng Pilipinas.

Paliwanag ni Trinidad na dumaan ang Lan Hai 101 sa may eastern waters ng Palawan dahil kailangan bunsod ng hindi magandang kondisyon ng dagat sa kanlurang bahagi.

Tiniyak naman aniya ng lulang Chinese personnel na ipagpapatuloy ng kanilang barko ang pagdaan kasabay ng pagsunod sa mga karapatan para sa innocent passage sa pamamagitan ng Philippine archipelagic sea lanes, at lalabas malapit sa Coron, Palawan.

Para naman masiguro ang navigational safety at soberaniya sa rehiyon, ipinadala ng Western Command ang PN vessel na BRP Andres Bonifacio (PS-17) kasama ang Philippine Coast Guard vessel na BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) para eskortan ang Lan Hai 101.

Dakong alas-5:50 ng hapon, namataan ang Lan Hai 101 sa layong 19.05 nautical miles ng Tinituan Island, Cuyo, Palawan.

Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na nananatiling mapagmatyag ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas para subaybayan ang mga maritime activities ng barko ng China at muling pinagtitibay ang kanilang pangako sa pagpapanatili ng kaligtasan at seguridad sa buong kapuluan ng Pilipinas. Ang deployment din aniya ng naval at coast guard assets ay nagsisilbing testamento sa collaborative approach sa pagtugon sa maritime challenges.