Nilinaw ng Philippine Navy na hindi naglayag ang Chinese naval carrier strike group sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ginawa ng opisyal ang paglilinaw matapos mapaulat na na-detect ang Chinese People’s Liberation Army Navy Shandong Carrier Strike Group sa PH Sea.
Ayon kay Navy spokesperson Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, dumaan ang Chinese vessel sa Philippine Sea sa eastern seaboard o Pacific na nasa 230 nautical miles sa baybayin ng Luzon.
Wala aniya itong nilabag dahil nasa labas ng EEZ o wala sa loob ng PH waters.
Hindi din aniya kailangan ng carrier strike group na alertuhin ang mga awtoridad ng Pilipinas dahil hindi ito pumasok sa territorial waters ng bansa.
Bagamat hindi ito maikokonsiderang banta, patuloy naman na nakabantay ang PH Navy sa developments dahil mayroon aniyang epekto ang deployment ng naturang Chinese vessel sa kabuuang sitwasyon sa rehiyon.