Walang dapat na ikabahala kaugnay sa tila pagpapakita ng pwersa ng China.
Ito ang inihayag ni PH Navy spokesperson for the WPS Rear Admiral Vincent Trinidad matapos mamataan ang Shandong carrier strike group sa Philippine Sea at Monster ship sa Escoda shoal.
Ayon sa opisyal, bagamat mas advance ang China kesa sa PH, matagal pa bago maabot ang operational level ng kanilang aircraft carriers.
Hindi pa din umano “battle-tested” ang aircraft carriers ng China kayat hindi ito maituturing na banta sa ating bansa.
Alam naman aniya na sa doktrina ng China nakasaad na dapat ipakitang mahina kapag malakas ka at ipakitang malakas kapag ikaw ay mahina.
Kaya’t ang ginagawa aniya ng China sa pagde-deploy ng kanilang Shandong carrier strike group, nais nilang lumikha ng ingay at ipakita ang kanilang sarili na malakas.
Sa reyalidad aniya ay aabutin pa ng ilang dekada para makumpleto ang kanilang naval warfare sa paggamit ng kanilang aircraft carriers.
Kaugnay nito, sinabi ni Trinidad na kasalukuyang masusing pinag-aaralan na ng Department of National Defense ang pagsasamoderno sa navy at mapahusay pa ang undersea warfare kabilang na ang pagbili ng submarine na isang mahalagang parte ng undersea warfare.