Nakasubaybay ang Philippine Navy sa sitwasyon sa Taiwan matapos simulan ng China ang military drills sa lugar.
Paliwanag ni Philippine Navy chief Admiral Toribio Adaci Jr. ayaw muna nilang mag-speculate subalit anuman aniya ang nangyyari sa nakapaligid sa ating bansa ay dapat na masusing subaybayan at obserbahan dahil posible itong makaapekto sa ating bansa.
Ginawa ng opisyal ang pahayag nitong Huwebes matapos maglunsad ng joint drills ang militar ng China na palibot ng Taiwan hanggang ngayong araw ng Biyernes.
Ayon sa China, parusa umano ito para sa separatist acts ng Taiwan.
Kamakailan nga ay pormal ng umupo bilang bagong Pangulo ng Taiwan si Pres. Lai Ching-te noong araw ng Lunes, Mayo 20 at nanawagan sa China na itigil na ang mga pagbabanta nito.
Samantala, matatandaan na noong Abril una ng sinabi ni Armed Forces of the Philippines Gen. Romeo Brawner Jr. na sakali man na sumiklab ang kaguluhan sa Taiwan dahil sa patuloy na pag-aangkin ng China sa naturang self-ruled island, magiging prayoridad ng military organization ng ating bansa ang repatriation ng overseas Filipino workers na nakabase sa Taiwan.