Pinaplano na ng Philippine Navy ang pagbili ng dalawang anti-submarine platforms.
Ayon kay PN spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Rear Adm. Roy Vincent Trinidad, naisumite na nila ang proposal para sa pagbili ng dalawang corvettes na mayroong anti-dubmarine capability.
Malaki aniya ang pangangailangan ng Pilipinas na makabili ng karagdagang modernong barko dahil sa lumalalang banta sa mga karagatan.
Sa kasalukuyan, mayroong dalawang missile frigate ang Pilipinas na may anti-submarine capability: BRP Jose Rizal (FF-150) at BRP Antonio Luna (FF-151).
Ayon pa kay Trinidad, plano rin ng PN na bumuo ng teknolohiyang may kakayahang mag-detect ng mga submarine habang ang mga ito ay nasa loob ng mga karagatan ng Pilipinas o nasa ilalim ng tinatawag na ‘sea lines of communication’.
Dalawang guided missile corvettes din ang kasalukuyang naka-kontrata kasama ang South Korean firm na HD Hyundai Heavy Industries. Kasama rito ang anim na offshore patrol vessels.
Ayon sa Philippine Navy official, patuloy na pinapalakas ng pamahalaan ang ‘undersea warfare capability’. Gayunpaman, kampante ang opisyal na mas mataas ang kapabilidad ng Pilipinas sa tracking at monitoring ng mga surface assets at mga surface target.