Inabisuhan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Navy na pasabugin ang mga vessel lulan ng mga drug smugglers, maging ang mga pasahero nito.
Sa talumpati nito sa isang campaign rally sa lungsod ng Malaybalay, Bukidnon, inihayag ng Pangulong Duterte na ang mga drug lord umano ang may pakana sa cocaine packages na natutuklasang palutang-lutang sa mga karagatan at napapadpad sa mga baybayin ng bansa.
“Ang cocaine ‘yan ang ginagawa ng mga mayayaman. Mahal ‘yan. May duda kami kung bakit dumami pero ang sabi ko sa Navy basta smuggler pasabugin ninyo pati mga tao,” wika ni Duterte.
“Huwag na lang kayo magsalita, ibulong niyo lang sa akin na mayroon kayong pinasabog na bangka at barko at kung ano pa, lantsa ng mga durugista.”
Noong nakaraang linggo lamang nang matagpuan ang 40 bricks ng pinaghihinalaang cocaine na palutang-lutang sa katubigang malapit sa bayan ng Burgos, Surigao del Norte.
Dahil dito, hiniling ni Surigao del Norte Rep. Jose Francisco Matugas sa Philippine Coast Guard na magpadala ng isa nilang vessel sa karagatang sakop ng kanilang probinsya.