Sumalang na sa pagsasanay ang 51 kawani ng Senado na nagnanais na maging parte ng reserve force ng Philippine Navy.
Subalit agad namang nilinaw ni Senator Robin Padilla na nagtutulak ng basic military training para sa Senate personnel na hindi ito parte ng paghahanda ng pamahalaan para sa posibleng conflict.
Saad ng Senador na mahalaga ang pagsasailalim sa mahigpit na pagsasanay para sa Senate personnel upang mahubog ang kanilang disiplina hindi lamang sa pagdepensa sa ating bansa kundi maging para sa pagtugon sa mga kalamidad.
Kabilang ang nasabing mga kawani ng Senado sa Basic Citizen Military Course (BCMC) Class 10-2024 na isang pre-entry training program para maging parte ng PN reserve unit na saklaw ng Naval Reserve Center- National Capital Region na pinamumunuan ni Capt. Junmar Sales.
Ginanap ang naturang pagsasanay sa mismong gusali ng Senado sa Pasay city noong Abril 3.
Samantala, ayon kay Naval Reserve command (NAVRESCOM) commander Maj. Gen. Joseph Ferrous Cuison, ang partnership sa pagitan ng PH Navy at Senado ay isang makasaysayang okasyon na nagpapakita ng dedikasyon ng sibilyan at militar sa pagprotekta sa soberaniya at kapakanan ng bawat mamamayang Pilipino.