Target ng Philippine Navy na mag-deploy ng capital ships para protektahan ang malawak na exclusive economic zone ng Pilipinas.
Ayon kay PN spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, ito ang magiging pokus ngayon ng Hukbong dagat ng Pilipinas na nakabase sa Comprehensive Archipelagic Defense Concept ng Department of National Defense.
Layunin ng naturang konsepto na mapahusay pa ang mga kapasidad ng Pilipinas para depensahan ang buong teritoryo nito kabilang ang EEZ.
Ang naturang mga capital ship na planong i-deploy ay ikinokonsiderang pinaka-advance at capable units ng anumang Hubong dagat.
Sa PH Navy, ang kanilang capital ships ay ang Jose Rizal-class frigates, Gregorio Del Pilar-class offshore patrol vessels, Emilio Jacinto-class patrol vessels, Conrado Yap-class corvette,Malvar class offshore patrol vessel at iba pa.
Hindi naman binanggit ng PN official kung ilan ang mga capital ships na posibleng i-deploy sa mga karagatang sakop ng ating bansa.
Ginawa ng opisyal ang pahayag nang matanong kung may kakayahan ang PN na humalili sa papel ng PCG na mag-iskort sa mga isinasagawang routine at resupply mission matapos na masira ang 2 barko ng PCG noong Lunes dahil sa mapanganib na maniobra ng mga barko ng China Coast Guard na nagresulta sa banggaan malapit sa Escoda o Sabina shoal.