Buma-biyahe na ngayon ang barko ng Philippine Navy (PN) partikular ang Sealift Amphibious Force nito ang BRP Batak sa mga lalawigan sa Samar, Leyte at Iloilo sa Visayas.
Ito ay para maghatid ng mga Peronal Protective Equipment (PPE’s) para sa mga frontliners laban COVID 19 sa bahagi ng kabisayaan.
Ayon kay Phil Navy Spokesperson Lt.Cdr Maria Christina Roxas, nagmula ang libu-libong PPE’s na ngayon ay ibina biyahe ng BRP Batak sa Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) at Naval Task Force against COVID-19.
Sinabi ni Roxas, sa sandaling maihatid na ni BRP Batak ang mga kinakailangang supplies ng PPE’s, babalik ito sa Cebu upang duon maghintay muli ng panibagong misyon.
Ayon naman kay Navy Sealift Amphibious Force Commander, Capt. Florante Gagua, mahalaga ang ginagampanang papel ngayon ng mga barkong pandigma ng Pilipinas na humaharap sa digmaan ng karamdaman dulot ng pandaigdigang pandemya.