Dumating na sa Indonesia ang mga opisyal ng Pilipinas kaninang madaling araw ngayong Martes, Dec. 17 para sa turnover ng nakakulong na Pinay worker na si Mary Jane Veloso.
Pinangunahan ni Department of Foreign Affairs (DFA) for Migrant Workers Affairs USec. Eduardo De Vega ang mga opisyal ng Pilipinas na nagtungo sa Indonesia.
Umalis ang mga ito dakong alas-9:15 ng gabi nitong Lunes at dumating sa Soekarno-Hatta Airport pasado hatinggabi ng Martes.
Magtutungo naman si USec. De Vega sa Embahada ng Pilipinas sa Indonesia para sa pagproseso ng mga papeles ni Veloso para ma-repatriate sa bansa.
Ayon kay USec. De Vega posibleng isagawa ang turnover kay Veloso sa paliparan. Magkakaroon din ng isang press conference ngayong araw para sa turnover ni Veloso.
Samantala, inaasahan na darating si Veloso sa Pilipinas bukas, araw ng Miyerkules, Dec. 18.
Kaugnay nito, nakikipag-ugnayan na ang mga opisyal ng PH sa pamilya Veloso kaugnay sa paglilipat at pagdating ng Pinay sa bansa.
Sinabi naman ni De Vega na ang Department of Justice ang posibleng in-charge sa airport pagdating ni Veloso o ang Bureu of Corrections, pero ang DOJ aniya ang nakikipag-ugnayan sa pamilya ni Mary Jane Veloso.