-- Advertisements --

Asam umano ng mga sports officials ng Pilipinas na ipadala ang nasa 15 atleta sa Tokyo Olympics sa Japan sa susunod na taon.

Ayon kay Mariano “Nonong” Araneta Jr., chef de mission ng bansa sa Summer Games, ang nasabing bilang ay “ideal” kung saan kabilang na raw dito ang iba’t ibang mga sports gaya ng rowing, canoe-kayak, archery, fencing, athletics, golf, karate, judo, triathlon, boxing, weightlifting at skateboarding.

Sa kasalukuyan, apat na mga Pinoy athletes na ang kwalipikado sa Olimpiyada, sa katauhan nina Eumir Marcial at Irish Magno ng boxing, Carlos Yulo ng gymnastics, at pole-vaulter na si EJ Obiena.

Habang ang mga inaasahang atleta na makakapasok din sa Olympics ay sina Hidilyn Diaz ng weightlifting, judoka na si Kiyomi Watanabe, Kyla Richardson at Willie Morrison ng athletics, mga cyclists na sina Ariana Dormitorio at Daniel Caluag, maging ang boxer na si Nesthy Petecio.

Sinabi pa ni Araneta, patuloy ang kanyang pakikipag-usap sa iba’t ibang mga sports federations, para makapagsumite ang mga ito sa national COVID-19 task force ng training guidelines para sa mga Olympic hopefuls.

Aniya, inaasahan din ng mga opisyal na sa 2021 na ipagpapatuloy ang mga Olympic qualifiers.

Kaya naman, nais nila na maghanda na ang mga atleta sa lalong madaling panahon.