Tiniyak ni Philippine Olympic Committee Chairman Richard Bachmann ang regular na pakikipag-usap sa Team Philippines na nasa France, kasabay ng nagpapatuloy na training ng mga atleta.
Ayon kay Bachmann, kasama ng komite ang embahada ng Pilipinas sa France na tumitingin sa kalagayan ng mga atleta, at iba pang bahagi ng philippine contingent.
Paliwanag niya gumastos na ang Pilipinas ng hanggang P21 million na pondo para sa training camp, pamasahe, at inisyal na mga nagastus ng pamahalaan para tuluyang maihanda ang mga atleta ng bansa sa pinakamalaking torneyo sa buong mundo.
Sa kasalukuyan ay sapat naman aniya ang pondo para sa naturang torneyo sa pamamagitan na rin ng pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan, mga Senador, at iba pang mga opisyal ng bansa.
Tiniyak ni Bachmann na binabantayan nila ang kalagayan ng Team Philippines upang matiyak ang maayos nilang kalagayan at kalusugan.
Samantala, nakatakda namang bumiyahe sa July 22 papuntang France si Bachmann para mismong makita ang sitwasyon ng Team Philippines na ilang araw na ring nananatili sa naturang bansa.