Ginawaran din ng parangal ng Kamara de Representantes ang mga Pinoy medalists sa ginanap na Tokyo Olympics.
Nanguna si House Speaker Lord Allan Velasco sa pagbibigay pugay sa mga atletang Pinoy sa makasaysayang paglahok sa Olympiyada dala ang pinakamaraming medalya sa unang pagkakataon makalipas ang halos 100 taon.
Personal namang tinanggap nina gold medalist Hidilyn Diaz, bronze medalist Eumir Marcial, silver medalists Carlo Paalam at Nesthy Petecio ang congressional awards dahil sa pagbibigay nila karangalan sa bansa.
Maging ang dati pang 1996 Olympic silver medalist na si Mansueto “Onyok” Velasco ay kasama rin sa binigyan nang parangal.
Samantala, tinanggap din naman nina House deputy speaker at Philippines Olympic Committee president Rep. Abraham Tolentino at Philippine Sports Commission Chairman William Ramirez ang kopya ng House Resolution 198 na nagbibigay pugay sa mga atletang Pinoy at sa lahat ng bumubuo ng Team Pilipinas.
“We give thanks and honor to all the Filipino Olympians, past and present. Your hard work and excellence have inspired all of us,” ani Velasco sa kanyang talumpati. “We also give thanks to your coaches and trainers. Your perseverance and sacrifice for the country have bore fruit.”