-- Advertisements --

Pang-sampu ang Pilipinas sa mga bansang pinakamatinding apektado ng extreme weather events sa nakalipas na 30 taon.

Ito ang lumabas sa 2025 Climate Risk Index report (CRI) ng non-profit organization na Germanwatch.

Nakasaad sa report kung paano sinalanta ang Pilipinas ng maraming mga bagyo sa bawat taon sa pagitan ng taong 1993 hanggang 2022 kung saan kabuuang 372 extreme weather events ang kinaharap ng bansa na nag-iwan ng $34 billion na pinsala sa loob ng 30 taon.

Tinukoy sa report ang Typhoon Haiyan o may local name na Super Typhoon Yolanda na itinuturing na pinakamapanirang bagyo na nagdulot ng kabuuang $13 billion na pinsala at kumitil ng 7,000 katao.

Ang nangunang mga bansa naman sa listahan na pinakamatinding naapektuhan ng extreme weather events ay ang Dominica, China at Honduras habang nasa pang-apat ang Myanmar at pang-lima naman ang Italy. Sumunod ang India, Greece, Spain at Vanuatu.