-- Advertisements --

Pumangatlo ang Pilipinas sa mga bansa sa buong Asya na nakakaranas ng pinaka-hindi pangkaraniwang init ng panahon may kinalaman sa climate change sa nakalipas na 3 buwan o mula Disyembre hanggang Pebrero.

Base sa report mula sa Climate Central, napag-alaman na nakaranas ang bansa ng temperaturang nasa Climate Shift Index (CSI) level 2 o mas mataas pa sa loob ng 74 na araw na maaaring sanhi ng pagbabago ng panahon.

Ang CSI ay isang sistema na sumusukat sa epekto ng climate change sa temperatura sa isang bansa kada araw. Kapag mas mataas ang lebel, nangangahulugan ito ng mas mataas na epekto ng climate change.

Pangunahing epekto naman ng climate change dulot ng tao ay mula sa burning coal, oil at methane gas na karamihan mula sa mga rehiyon sa buong mundo.

Base din sa report, mahigit 45 million katao sa buong kontinente ang nalantad sa 30 araw na mapanganib na init ng panahon sanhi ng climate change.

Sa Pilipinas, halos 200,000 Pilipino ang na-expose mula sa 116 milyong kabuuang populasyon.

Nangunguna naman sa mga bansang nakakaranas ng most unusual heat ay ang Brunei Darussalam sa loob ng 83 araw at pangalawa ang Maldives sa loob ng 81 araw.