Kinansela na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang Philippine passport ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo.
Sa isang statement, kinumpirma ng DFA na naging epektibo ang kanselasyon ng pasaporte ni Guo noong Setyembre 30 ng kasalukuyang taon matapos tumugma ang kaniyang biometrics sa Chinese passport holder na si Guo Hua Ping sa files ng National Bureau of Investigation.
Matatandaan na una ng ipinag-utos ng Palasyo Malacañang na kanselahin ang pasaporte ni Guo kasama ang kaniyang mga kapatid na sina Wesley at Shiela at Cassy Ong na nauugnay sa sinalakay na POGO hub sa Porac, Pampanga matapos na pumuslit ang mga ito palabas ng Pilipinas noong Hulyo.
Nangako naman ang DFA sa pagpapairal ng seguridad at integridad sa pagiisyu ng mga PH passport at siniguro sa publiko na kanilang irerefer sa law enforcement agencies at prosekusyon ang anumang ilegal na aplikasyon at pagkuha ng mga pasaporte.
Saad pa ng ahensiya na ipapatupad nito ang Zero Tolerance Policy sa mga unscrupulous individuals na hindi legal na dumadaan sa tamang aplikasyon ng pasaporte.