-- Advertisements --

Patuloy ang paghikayat ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs para sa pagtalima sa 2016 Arbitral Award kasabay ng ika-42 anibersaryo ng United Nation Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ngayong araw, Disyembre 10.

Sa isang statement, kinilala din ng ahensiya ang lumalawak na pagkilala ng iginawad na Award sa PH bilang hindi matatawarang parte ng international law.

Nagpahayag din ang bansa ng pakikiisa sa international community sa pag-alala sa anibersaryo ng UNCLOS.

Sinabi din ng DFA na mula sa pagiging isa sa unang lumagda at nagratipika sa Convention, patuloy din aniyang inihahanay ng Pilipinas ang domestic legal framework nito sa UNCLOS sa pamamagitan ng pagsasabatas ng Philippine Baseline Act at ang kamakailan lamang na Philippine Martime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act.

Binigyang diin din ng DFA na ang pagtalima ng bansa sa UNCLOS dispute resolution mechanisms sa pamamagitan ng 2016 arbitration at ipinunto na ang claims na lagpas sa geographic at substantive limits ng maritime entitlements sa ilalim ng UNCLOS ay walang legal na epekto.

Ipinagmalaki din ng PH ang kontribusyon nito sa negosasyon at pagtataguyod ng UNCLOS.

Sa huli, pinagtibay ng PH ang dedikasyon nito sa pagtindig sa mga probisyon at prinsipyong nakasaad sa UNCLOS para sa pambansang interes at pagnanais ng sambayanan para sa kapayapaan at kaunlaran.