Patuloy na makakaranas ang Pilipinas ng La Niña-like conditions hanggang sa buwan ng Marso ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ipinaliwanag ni PAGASA Climate Monitoring and Prediction Section chief Ana Liza Solis sa isang panayam ngayong Sabado na nasa La Niña alert ang bansa simula noong Hulyo ng nakalipas na taon subalit hindi pa naabot ang kaukulang activity threshold para magdeklara ng La Niña season.
Aniya, sa kanilang pagtaya, may 72% na tiyansa ng La Niña at hindi isinasantabi ng state weather bureau ang posibilidad na maabot ang threshold ng La Niña sa mga susunod na buwan subalit posibleng hindi ito masusunod gaya ng tinatawag na full-blown La Niña na maaaring magtagal ng 6 na buwan o mahigit.
Mapapansin din aniya na maraming nararanasan na weather systems sa bansa ngayon tulad ng shear line dahil may kasama aniya ang La Niña na malakas na easterlies.
Kayat paalala ng bureau sa publiko na huwag pakampante dahil maraming weather system pa ang posibleng magpapaulan at magdudulot ng mga pagbaha at pagguho ng lupa sa mga susunod na araw.