-- Advertisements --
QC7

Kabilang umano ang mamamayan ng Pilipinas sa “pinaka-worst affected” ng COVID crisis sa Southeast Asia.

Ito ang lumabas sa bagong survey ng Asian Development Bank (ADB).

Ayon sa ADB Institute, isinagawa ang survey kamakailan sa mga bansang Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Thailand at Vietnam.

Lumalabas daw sa naturang pag-aaral na 84 percent ng mga bahay sa Pilipinas ang nagsabi na bumaba ang kanilang pinagkakitaan o hanapbuhay bunsod ng COVID-19 pandemic.

Ang naturang datos ang siyang “pinaka-worst” sa rehiyon ng Asya na sinusundan ng Indonesia na nasa 81 percent at ang Myanmar ay umabot sa 78 percent.

Ang average raw sa walong mga ASEAN countries ay 73 percent ang labis na naapektuhan.

Batay pa sa naturang survey, pumuwesto muli ang Pilipinas sa mga bansa na “worst” pagdating naman sa mga nawalan ng trabaho o nabawasan ang oras ng paghahanapbuhay.

Kung maalala ang Pilipinas din ngayon ang tinaguriang pinakamahaba at pinakamahigpit ang lockdown kumpara sa ibang mga bansa sa buong mundo.

Sinasabing ang Pilipinas din ang numero uno sa bilang ng mga kumpirmadong kaso ng mga nahawa sa coronavirus sa buong Asya.