-- Advertisements --

Pinapurihan ng Pilipinas ang G7 foreign ministers sa kanilang patuloy na pagtutol sa “illicit, provocative, coercive, and dangerous actions” ng China sa WPS, na naglalagay sa panganib sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), kinikilala nito ang “collective position” ng G7 na nagpapahayag ng suporta sa Pilipinas at iba pang coastal states sa pagpapanatili ng maritime order batay sa international law. Pinuri rin ng DFA ang pagtutol ng G7 sa paggamit ng water cannons at mapanganib na maniobra laban sa mga barkong Pilipino, pati na rin ang mga ilegal na reclamation at pagtatayo ng military outposts sa pinag-aagawang teritoryo.

Dagdag pa rito, kinilala ng DFA ang patuloy na pagsuporta ng G7 sa 2016 Arbitral Tribunal ruling na nagbasura sa malawakang maritime claims ng China sa WPS. Anila, ang desisyong ito ay isang mahalagang bahagi ng “corpus of international law” na dapat igalang ng lahat ng bansa.

Sa pagsuporta sa posisyon ng G7, muling iginiit ng Pilipinas ang panawagang itigil ang panghihimasok, panggigipit, at pananakot sa loob ng ating maritime entitlements. Binigyang-diin din ng DFA na ang bansa ay nananatiling committed sa layunin nitong mapanatili ang WPS bilang isang “dagat ng kapayapaan, katatagan, at kaunlaran.”

Samantala, patuloy ang tensyon sa rehiyon matapos lumipad nang tatlong metro lamang ang layo ng isang Chinese military helicopter mula sa isang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) aircraft sa may Scarborough Shoal, na malinaw na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.