Plano ng pamahalaan na umutang ng kabuuang P2.46 trillion sa taong 2024 para mapondohan ang P5.77 trillion spending program na target ng executive department na imungkahi sa Kongreso.
Ito ang kinumpirma ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Ang planong utangin ng pamahalaan na pondo para suportahan ang 2024 budget ay 12% na mas mataas kumpara sa borrowing program ngayong 2023.
Aniya, inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang National Expenditure Program (NEP) para sa susunod na taon na layuning magtuloy-tuloy ang paglago ng ekonomiya habang isinasaalang-alang ang inclusivity at sustainability.
Ang National Expenditure Program ay ang spending plan ng gobyerno para sa sunod na fiscal year. Sa oras na maaprubahan ito ng Kongreso, ito ay tatawaging General Appropriations Bill at kapag naipasa na bilang isang batas, ito ay tatawaging General Appropriations Act.
Ayon sa Budget Secretary, isusumite ang panukalang pambansang pondo para sa 2024 sa Kongreso ilang linggo pagkatapos ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo na nakatakda sa Hulyo 24.