Kung ang World Health Organization (WHO) daw ang tatanungin, maituturing pa ring polio free ang Pilipinas sa kabila ng lumutang na dalawang kaso nito kamakailan.
Ito ang nilinaw ni WHO country representative Rabindra Abeyasinghe, sa gitna ng mga pangamba mula nang mag-deklara ng polio outbreak ang Department of Health (DOH).
“The occurrence of vaccine-derived polio virus is not unique. We’ve had several outbreaks of vaccine-derived virus in the world, most recently in the Western Pacific Region in Papua New Guinea and more recently in China,” ani Abeyasinghe.
“Vaccine derived polio is not unique.”
Taong 2015 nang ihinto ng DOH ang programa para sa bakuna ng type 2 polio virus matapos itong mapuksa, kaya wala ng stock ang kagawaran ng bakuna para rito.
“All oral polio vaccines produced and distributed since 2016 only give protection to type 1 and 3 and for the children in the Philippines, children will only be protected from type 2 if they get the immunized polio vaccine, which is a mixture of all three.”
Simula noon, tanging oral polio vaccines na lang para sa type 1 at type 3 ang ibinahagi ng ahensya.
Ayon sa DOH, nakukuha ang type 2 ng polio mula sa dumi ng mga batang nabakunahan ng OPV.
Ito ang uri ng sakit na natukoy sa magkahiwalay na kaso sa Lanao del Sur at Laguna na naitala kamakailan.
“What that means is if this virus that is causing vaccine-derived virus continues to circulate, even children who have completed the three doses of OPV and not taken the IPV are at risk of getting polio.”
Pero paglilinaw ng WHO, hindi wild polio virus kundi vaccine-derived ang tumamang sakit sa dalawang bata kaya ligtas pang sabihin na polio free ang bansa.
Una ng nangako ang organisasyon ng tulong para sa magkaroon ng sapat na stock ng bakuna ang DOH.