Silver medal ang nasungkit ng Pilipinas sa Division A ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games Polo event sa Inigo Zobel Polo Facility, Calatagan, Batangas.
Ang final score: 7 sa Malaysia, 5 1/2 sa Pilipinas.
Sa kabila ng .5 advantage na nakuha ng bansa bago ang laban ay ilang beses itong tinambakan ng defending champion na Malaysia.
Nagbukas ang first chukker o round sa mainit na gitgitan at agawan sa bola ng dalawng koponan, hanggang makapunto ang Malaysia sa pamamagitan ng penalty goal.
Lamang ang defending champs hanggang sa pagbubukas ng second chukker pero nasingitan ng back to back points ng Pilipinas sa pamamagitan ni Augustus Aguirre.
Nagtuloy-tuloy ang dominasyon ni Aguirre kasama sina Tommy Bitong at Eduardo Lopez na hindi pina-score ang Malaysia sa buong third chukker.
Nakuha ng Pilipinas ang unang lead nito sa laban: 5 1/2 – 4.
Pero pagpasok ng huling chukker hindi na nagpaawat ang Malaysia sa pagpuntos.
Hindi naman pumasok ang dalawang goal attempt ng ng Pilipinas dahil tumama lang sa poste ng goal post ang bola.
May pagkakataon pang makapag-uwi ng gold medal ang bansa sa larong polo sa pamamagitan ng Division B competition o low goal event na magsisimula sa December 3.
Samantala, napanatili ng Brunei Darussalam ang pwesto bilang 3rd placer matapos talunin ang Indonesia, 5 – 4.
Personal namang nanood ng laban si Sultan Hassanal Bolkiah na sinalubong ang mga anak na sina Prince Mateen at Princess Azemah.