Buo ang loob ng Philippine practical shooting team na magagawa nilang mapangalagaan ang kanilang korona sa nalalapit na nilang kampanya sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Noong 2015 SEA Games kasi sa Singapore ay nagawa nilang makadagit ng gintong medalya sa women’s precision pistol event.
Hindi naman naisali ang naturang event sa huling bersyon ng regional sports meet noong 2017 kaya kung tutuusin ay sila ang defending champion.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay assistant coach Nonie Alvarez, wala raw pinagkaiba ang takbo ng kanilang naging training kumpara sa mga nakalipas na torneyong kanilang sinalihan.
Bagama’t tinitingnan din nila ang Thailand at Singapore na kabilang sa kanilang mga matitinding kalaban, pipilitin daw nilang maduplika o mahigitan pa ang nakamit nilang ginto apat na taon na ang nakalilipas.
“Pilitin natin, mahirap mangako eh. pero what we’re doing with [head coach retired MGen. Jonathan] Martir sa team namin we’re giving them all the training they should have and the support na kaya naming ibigay,” ani Alvarez.
Sasandal din aniya sila sa kanilang mga beterano, lalo na kay Elvie Baldivino na isa sa mga contributor ng gold medal sa Singapore SEA Games.
“I think we have a, mahirap namang magyabang, I think we’re doing good. I just hope we can maintain our status na defending champion,” wika ni Alvarez.
Aasintahin ng mga manunudla ang tatlong gintong medalya sa SEA Games kung saan isa sa team event at dalawa sa individual event.