CAGAYAN DE ORO CITY – Itinuring ngayon ng ilang mambabatas ng bansa na ‘under fire’ ang malayang pamamahayag alinsunod sa bigo na pagka-renew ng prangkisa ng TV giant ABS-CBN.
Ito ay matapos naglabas ng desisyon ang nasa 70 na mambabatas na tuluyang hindi na makakuha ng 25 year renewal franchise ang kompanya nang mabigo makumbinse ang House Committee on Legislative Franchises sa kanilang inilahad na mga pagpapaliwanag laban sa ipinukol na mga akusasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Cagayan de Oro 2nd District Rep Rufus Rodriguez na hindi sinunod ng technical working group ang naging findings ng higit 10 araw na hearing ukol sa usapin.
Inihayag ni Rodriguez na hindi rin sila iniimbita habang isinagawa ang botohan.
Magugunitang isa si Rodriguez sa ilang mambabatas na nais na ma-renew ang prangkisa ng network dahil nalagay sa alanganin ang kabuhayan ng nasa 11,000 na mga empleyado.
Una nang inaakusa na nakagawa ng maraming paglabag ang korporasyon katulad ng political bias,hindi pagbayad ng tamang buwis at ilan pang seryoso na legal offense ng konstitusyon.