Ipinagmalaki ng National Economic and Development Authority (NEDA) na pumwesto ang Pilipinas bilang ikatlo sa may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa rehiyon.
Ito ay sa kabila ng hindi pag-abot sa target ng gobyerno para sa taong 2024 na 6% hanggang 6.5% matapos na maitala ito sa 5.6%.
Sa isang press briefing ngayong Huwebes, iniulat ni NEDA Policy and Planning USec. Rosemarie Edillon na sumusunod ang PH sa Vietnam na may 7.5% economic growth, China na may 5.4% habang naungusan ng PH ang Malaysia na may 4.8% na paglago ng ekonomiya.
Iniugnay naman ng opisyal ang hindi pagkakaabot sa target na paglago ng ekonomiya noong nakalipas na taon sa ilang kadahilanan na hindi kontrolado ng gobyerno tulad ng mga bagyong tumama sa bansa at epekto ng geopolitical tensions.
Kung saan tinukoy ni USec. Edillon ang sektor ng agrikultura na nakaranas ng ilang setbacks partikular na sa pagitan ng buwan ng Oktubre hanggang sa kalagitnaan ng Nobiyembre nang tumama ang 6 na magkakasunod na bagyo sa bansa.
Gayundin ang manufacturing na lumago lamang ng 3.1% dahil sa geopolitical tensions at mabagal na pagrekober ng advanced economies kasama na ang pangangailangan ng semiconductors na i-update ang kanilang mga iniaalok na mga produkto para makatugon sa mga pagbabago sa demand.
Una naman ng inihayag ni NEDA Sec. Arsenio Balisacan noong nakaraang linggo na nananatiling “impressive” ang takbo ng ekonomiya ng bansa kahit pa hindi maabot ang target ng gobyerno.