Hindi umano isinasara ng Philippine Red Cross ang pintuan para sa isang settlement kaugnay sa outstanding bill ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa kanilang COVID-19 testing.
Pahayag ito ng PRC matapos nilang itigil ang pagsasagawa ng COVID-19 testing para sa mga overseas Filipino workers at medical frontliners matapos mabigo ang state insurer na bayaran ang balanse nito na aabot pa sa mahigit P930-million.
Pero ngayong Biyernes, sinabi ni Red Cross Corporate Secretary Rodolfo Reyes na lumobo pa raw sa P1.014-billion ang PhilHealth.
Sa kabila nito, iginiit ni Reyes na apela pa rin nila sa PhilHealth na mabayaran na raw sila dahil malaki na raw ang epekto ng hindi pagbabayad ng ahensya sa kanilang operasyon.
Ayon pa kay Reyes, nais ng Red Cross na mabayaran na ang malaking portion ng P930-million bill, kung hindi kayang buuin ng PhilHealth ang bayad.
“We’re open to settlement, we’re open to talks, we have not taken any hard line positions, except ‘Please pay us,’” wika ni Reyes sa isang panayam.
Huli pa raw nagbayad ang PhilHealth noon pang Setyembre 8.
Sa panig naman ng PhilHealth, humingi ng paumanhin ang state insurer dahil sa nangyari.
Paliwanag ni PhilHealth spokesperson Rey Baleña, ang delayed na bayad ay bahagi ng review na isinasagawa ng bagong pinuno ng ahensya na si Dante Gierran para suriin ang kanilang partnership sa organisasyon.
Naghihintay na lamang aniya sila ng mga clearance mula sa iba pang mga ahensya ng gobyerno para mabayaran na ang kanilang pagkakautang.
Batay sa nauna nilang pahayag, sinabi ng PhilHealth na umabot na raw sa P1.6-billion ang kanilang ibinayad sa PRC para sa mahigit 400,000 tests na kanilang isinagawa.
Samantala, kung ang Department of Health naman ang tatanungin, sinabi ni USec. Maria Rosario Vergeire na naglabas na sila ng guidelines kaugnay sa rerouting ng mga COVID-19 specimens.
Paglalahad ni Vergeire, ipinadala muna nila ang naturang mga specimen sa iba pang malalaking mga laboratoryo upang doon muna masuri ang mga ito hangga’t hindi pa napaplantsa ang isyu.
Patuloy naman aniya ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa PRC at PhilHealth upang bumalangkas ng mga solusyon at maipagpatuloy nang muli ang operasyon.