Ipinagdiriwang ngayong araw ng Philippine Red Cross ang ika-77 anibersaryo ng pagsisimula ng tinatawag nilang “transformative humanitarian service to the country.”
Sa online post ng PRC, sinariwa nito na ang kanilang orihinal na konsepto ay maging isang blood collection agency. NGunit ngayon ay rumeresponde na rin daw sila sa lahat ng uri ng kalamidad kabilang na ang bagyo, lindol, at pagkalat ng mga sakit.
Ipinagmalaki rin ng PRC na mas pinalaki na nila ang kanilang logistics, assets, at mga pasilidad para mas mabilis na makapag-responde sa anumang emergency.
Mayroon na raw silang 178 na ambulansiya, mga food trucks, rescue trucks, fire trucks, rescue boats, volunteer emergency response vehicles, water tankers, at payloaders na kailangan t’wing may kalamidad.
Malaking tulong din daw ang pagkakaroon nila ng humanitarian ship na MV Amazing Grace dahil ito umano ang ginagamit nila para magpadala ng relief items sa iba’t ibang isla sa Pilipinas.
Sa ngayon, mayroon na raw silang mahigit dalawang milyong volunteers sa buong bansa na kayang mag-perform ng first aids at mag-responde sa anumang emergency sa kanilang mga komunidad.
Binibigyang-diin rin umano ni Philippine Red Cross Chairman and CEO Dick Gordon ang pakikilahok ng organisasyon sa iba’t ibang isyu ng lipunan gaya ng climate change at gender equality. Gayundin ang pagpapalaki ng blood requirement ng bansa at pagpapaunlad ng grassroot healthcare provision.