Nakatakdang isumite ng Philippine Red Cross (PRC) ngayong araw ang resulta ng pilot COVID-19 saliva test na kanilang isinagawa sa 1,000 samples.
Ayon kay Dr. Paulyn Ubial, pinuno ng molecular laboratories ng PRC, ipapasa nila ang findings sa Department of Health (DOH), sa COVID-19 Laboratory Expert Panel (CLEP), at maging sa tanggapan ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Sinimulan ng PRC ang mga tests noong nakaraang linggo sang-ayon sa utos mula sa DOH.
Una nang sinabi ni Ubial na isinumite na ng kanilang organisasyon noong Oktubre ng nakalipas na taon ang aplikasyon nito para sa saliva testing, na sinasabing mas murang alternatibo sa swab test.
Gayunman, hindi ito nakakuha ng approval mula sa Health Technology Assessment Council ng health department.
May isinasagawa namang hiwalay na pag-aaral ang Research Institute for Tropical Medicine.
Samantala, inihayag ni Ubial na papalo lamang sa P1,500 hanggang P2,000 ang presyo ng COVID-19 test gamit ang saliva samples, kumpara sa P3,800 hanggang P5,000 price range ng PCR test.
Tatagal lamang din aniya ng 12 oras ang turnaround time ng saliva testing, mas mabilis kaysa sa PCR tests na inaabot ng 24 oras.