Naglaan ang Philippine Red Cross (PRC) ng kabuuang 3,038 blood units sa 974 na pasyenteng nahawahan ng dengue fever mula sa unang anim na buwan ng 2024 habang patuloy na tumataas ang kaso ng dengue sa bansa.
Ayon sa Department of Health (DOH), mula Enero 1 hanggang Agosto 3 ngayong taon, 136,161 na kaso ng dengue ang naitala. Mas mataas ito ng 33 porsiyento kumpara sa 102,374 na kaso ng dengue na naiulat sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Dahil sa nakababahala na bilang ng mga kaso ng dengue, ilang mga local government units ang opisyal na nagdeklara ng dengue outbreaks.
Tiniyak ni PRC Chairman at CEO Richard “Dick” Gordon sa publiko na nakahanda ang PRC na magbigay ng dugo para suportahan ang mga pasyente at tulungan ang bansa na labanan ang nakamamatay na sakit.
Samantala, idinagdag ni PRC Secretary-General Dr. Gwen Pang, na ang blood donation ay ginawa dahil mataas ang demand ng dugo sa Pilipinas lalo na ngayon na may dengue outbreak. Kaya hinihikayat ang mga mamamayan na magbahagi ng kanilang dugo.
Pinalalakas din ng PRC ang 5S campaign ng DOH para labanan ang dengue: Search and destroy, Self-protection measures, Seek early consultation, Say yes to fogging, and Sustain hydration.
Pinaalalahanan din nito ang mga mamamayan na hindi dapat balewalain ang simple ngunit tumatagal na lagnat.
Ang maagang pagtuklas ng dengue ay mahalaga; humingi ng agarang medikal na atensyon kung may nakakaranas ng maagang sintomas tulad ng mataas na lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at kasukasuan, pagsusuka, at pantal sa balat.
Sa kasalukuyan, ang PRC ay nagmamay-ari ng 108 blood service facility, 32 blood centers, 76 blood collecting stations, at 15 apheresis centers sa buong bansa.