Binabalak ng Philippine Red Cross (PRC) na bumili ng mga bakuna sa mga pharmaceutical firms na Pfizer at AstraZeneca upang makatulong sa vaccination drive ng gobyerno laban sa COVID-19.
Ayon kay PRC chairman at Sen. Richard Gordon, makikipagpulong daw ito sa mga kinatawan ng Pfizer kaugnay sa pagbili ng kanilang mga bakuna.
Inihayag pa ng senador na nakausap na raw ito ang ambassador ng United Kingdom sa Pilipinas upang makakuha ang PRC ng COVID-19 vaccines ng AstraZeneca.
“May sulat na ako na ginawa sa AstraZeneca. I don’t mind telling you, I have already spoken with the UK ambassador. Nakiusap ako na pwede bang isama niyo ang Red Cross,” lahad ng senador.
Sinabi pa ni Gordon, ang inisyal na target ng PRC ay makabili ng 1-milyong vials ng bakuna.
Dagdag ng mambabatas, nais nito na ang sinumang tuturukan ng COVID-19 vaccine mula sa PRC ay magdo-donate din para sa pagpapabakuna ng iba.
Una nang inilahad ni Gordon na layon ng PRC na mabakunahan ang 1-milyong Pilipino laban sa deadly virus.
“Ang dream ko diyan, halimbawa magdo-donate ako ng isa, pero bakunahan niyo na rin ako,” paliwanag ni Gordon.
“Halimbawa kapag nagpaturok ako, ‘yung pamilya ko, mag-sponsor din ako ng iba rin. Hindi tayo selfish. We should define ourselves as a sharing nation,” dagdag nito.