Nakahanda ang Philippine Red Cross (PRC) na magpadala ng 35 Pilipinong doktor sa Gaza upang tumulong sa mga nangangailangan.
Ito ang sinabi ni PRC Chairman at CEO Richard Gordon, kasunod ng tumataas na bilang ng mga nasasawi dahil hindi nalalapatan ng lunas mula sa nagpapatuloy na giyera ng Israeli forces at Hamas militants.
Ayon kay Gordon, ang Palestinian Red Crescent ang namamahala sa Gaza ngunit nasa proseso ang kanilang panig ng pagpapadala ng 35 Filipino na doktor habang nakabinbin ang pagsasapinal ng mga kasunduan sa Egyptian Red Crescent.
Hindi naman umano siya sumasang-ayon na sila ay italaga sa mga lugar tulad ng mga Palestinian hospital na may mga pasilidad sa ilalim ng lupa.
Para kay Gordon, nais niyang stand-alone ang kanilang kampo para makikilala bilang bahagi ng Red Cross.
Matatandaang 10 araw matapos bombahin ng Hamas ang Israel at kumuha ng mga bihag noong Oktubre, nanawagan si Chairman Gordon ng agarang tugon mula sa international na komunidad at iminungkahi na ang mga barko, militar man o komersyal tulad ng mga cruise ship, ay ipadala sa Gaza upang magsilbi bilang mga barko na ospital laban sa backdrop ng dumaraming mga namamatay bilang resulta ng patuloy na digmaan.
Sa isang liham na may petsang Nobyembre 21, 2023, pinuri ng Egyptian Red Crescent Chief Executive Officer, Dr. Ramy El Nazer si Chairman Gordon sa pag-aayos ng deployment ng mga Pilipinong doktor at nurse sa Gaza.