-- Advertisements --
INTER AGENCY SEARCH AND RESCUE TEAM

Inaasahang makakarating na ngayon sa bansang Turkey ang ipinadalang search and rescue team ng Pilipinas para tumulong sa disaster response sa nasabing bansa na niyanig ng malakas na magnitude 7.8 na lindol.

Kasunod ito ng paglipad kagabi mula sa Ninoy Aquino International Airport ng nasa 85 rescuers mula sa iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan patungo sa nasabing bansa.

Dala ang kumpletong gamit tulad ng mga life detectorm portable oxygenator, at ilan pang mahahalagang mga kagamitan ay handa na ang mga ito na tumulong sa pagsagip sa mga biktima ng nasabing pagyanig.

Ayon kay Department of National Defense Secretary Carlito Galvez Jr., ito ay bilang tugon pa rin ng ating gobyerno sa naging panawagan ng Embassy of the Republic of Turkey sa Maynila ng dagdag assistance para sa kanilang bansa sa aspeto ng Emergency Medical and Urban Search and Rescue Teams.

Kumpiyansa ang kalihim na maisasagawa ng maayos ng naturang mga rescuers ang kanilang misyon sa nasabing bansa dahil mayroon na aniyang experience ang mga ito pagdating sa mga foreign deployments tulad sa Haiti, Nepal, at Japan.

Ngunit upang matiyak pa rin aniya ang kaligtasan at seguridad ng mga ito ay inabusihan na rin aniya nila ang defense attache ng Pilipinas sa Turkey upang mabigyan ang mga ito ng winter clothing bilang pangontra sa lamig ng klima sa nasabing bansa.

Bukod dito ay nakatakda rin aniyang mamahagi ang mga Filipino search and rescue team ng nasa 10,000 makakapal na kumot para naman sa mga masasagip na biktima ng lindol sa Turkey.

Samantala, kaugnay nito ay personal namang tinungo ni Turkish Ambassador to the Philippines Niyazi Akyol sa Ninoy Aquino International Airport ang Philippine rescue team bago ito tumulak patungong Turkey.

Tinawag niya ang mga ito bilang mga bayani kasabay ng pagpapasalamat sa tulong na kanilang ipapaabot para sa mga mamamayan ng Turkey.

Isang karangalan aniya para sa kanila ang tulong na ito mula sa Pilipinas, at sa kaniyang palagay daw ay dapat na ipagmalaki ng ating bansa ang katapangang ito ng ating mga kabayayan.

Inaasahang magtatagal ang ipinadalang inter-agency search and rescue team ng Pilipinas sa Turkey sa loob ng dalawang linggo na kinabibilangan ng 31 Emergency Medical Technicians mula sa Department of Health, 21-kataong Urban Search and Rescue Team ng Philippine Army, 12 mula sa Philippine Air Force 505th Search and Rescue Group, 10 mula sa Metro Manila Development Authority, siyam (9) mula sa Subic Bay Metropolitan Authority, at kasama ang dalawang indibidwal mula sa Office of the Civil Defense.