Nagbabala si Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr. na tutugon ang Pilipinas at mga security ally nito kung tatangkain ng China na magpataw ng air defense zone o limitahan ang freedom of flights sa West Philippine Sea (WPS)
Ginawa ng kalihim ang pahayag sa panayam sa kaniya ng isang US-based international news agency.
Ito ay kasunod na rin ng mga serye ng mistulang pagtaboy ng Chinese military aircraft sa mga air assets ng US, Australia, at Pilipinas, na nangyari sa magkakahiwalay na insidente. Pinakahuli dito ang pagpapaputok ng China ng warning flare sa isang Australian P-8A Poseidon surveillance aircraft na nangyari noong Pebrero 11.
Ayon kay Teodoro, dati na nilang pinag-usapan ng kaniyang mga kapwa defense officials ang posibilidad ng pagpapataw ng China ng Air Defense Identification Zone o anumang exclusion zone para limitahan ang mga foreign aircraft sa WPS.
Kung gagawin ito ng naturang bansa, tiyak aniyang gagawa ang Pilipinas at mga kaalyadong bansa ng akmang tugon, lalo na at ang naturang hakbang ay isang paglabag sa international law.
Mayroon na rin aniyang nabuong contingency measure na maaaring gamitin bilang tugon sa naturang aksyon.
Ayon pa sa DND Chief, isang security alliance na binubuo ng mga magkakasamang Asian at Western countries ang dati nang nabuo at maaaring humarap sa patuloy na aggresyon ng China.
Binubuo ito ng US, Japan, Australia, at iba pang malalaki at maliliit na bansa sa Asia-Pacific na pawang hindi pumapabor sa ginagawa ng China sa WPS.
Katwiran ni Teodoro, kagagawan din mismo ng China kung bakit nagsasama-sama ang like-minded countries at bumubuo ng matibay na alyansa laban sa China.