-- Advertisements --

SUBIC, Zambales – Bigo ang Philippine team sa inaasam asam na dagdag gintong medalya matapos mahulog sa kamay ng powerhouse Thailand sa nagpapatuloy na 30th Southeast Asian Games.

Talo ang Pinoy sa bigating team Thailand sa sepak takraw women’s regu event sa score na 11-21 at 10-21 sa Subic Bay Gymnasium.

Sa unang set pa lamang, ipinamalas na kaagad ng team Thailand ang kanilang bentahe ang tangkad at diskarte sa court hanggang makuha ang score na 21 – 11 kontra Pilipinas.

Pagpasok ng second set, kaagad namang rumatsada ang bisitang bansa at nilamangan ang Pinoy ng 11 – 2.

Pilit pang nais bumawi ang mga Pinoy ngunit kinulang na ito, dahil sa mga ilang service errors na nagawa at malalakas na sipa ng Thailand na pang sagot.

Dinomina ng Thailand ang laro na nagtapos ang second set sa score na 21-10 kontra Philippines sa womens regu event.

Dahil dito, ang Philippine womens sepak takraw ay mag-uuwi ng bronze medal kasama ang Malaysia sa poduim ng 30th SEA Games.

Tinanghal na gold medalist ang Thailand habang silver medalist naman ang Vietnam matapos pataubin ng mga Vietnamese ang Malaysia sa kanilang match nitong hapon ng Lunes.

Matatandaan na nahumakot na ng dalawang gintong medalya ang Philippine team sa mens and womens hoops event sa unang araw pa lamang ng kompetisyon at bronze medal naman sa team doubles men ng sepak takraw.

Samantala, bukas Disyembre 10 ang huling araw ng kompetisyon para naman sa mens regular event ng 30th Edition ng SEA Games.

Tatangkain ng mga Pinoy na maipanalo ang laban kontra Malaysia para makuha ang silver medal at kung matalo ito, bronze medal ang masusungkit.

Ang sepak takraw regu event ngayon ay single round robin system at kung sino ang mas maraming naipanalo sa huli ang siyang hihirangin na gold medalist. (Bombo Framy Sabado)