Inihayag ni National Security Council spokesperson at Assistant Director General Jonathan Malaya na dapat itigil ng China ang pangingialam sa mga desisyong pandepensa ng bansa.
Ito ay kasunod ng muling paggiit ng China sa pamamagitan ng state newspaper nito na People’s Daily na alisin ng Pilipinas ang US Typhon missile na idineploy sa bansa simula noong Abril ng nakalipas na taon.
Sa isang statement, sinabi ng opisyal na mapanlinlang ang pagkomento ng People’s Republic of China sa ating karapatan para mapahusay pa ang ating kakayahang pandepensa at posisyon gayong sila ang nagpapalakas pa ng kanilang offensive capabilities.
Binigyang diin din ni Malaya ang posisyon ng gobyerno na ang typhon missile system ay idineploy lamang para sa layuning pangdepensa at dito lamang ito gagamitin.
Pinabulaanan din ng opisyal ang paggiit ng China na mailalagay ng naturang weapon system ang rehiyon sa panganib at iginiit na striktong tumatalima ang bansa sa mga probisyong nakapaloob sa konstitusyon na ang Pilipinas ay hindi maaaring gumamit ng nuclear weapons o makisali sa offensive war.
Nanindigan din ang NSC official na karapatan ng Pilipinas na palakasin ang defense capabilities nito sa mga pagkakataon na sa tingin nito ay nararapat.