Sinisi ng China ang Pilipinas sa nangyari sa Ayungin shoal noong Hunyo 17 ng kasalukuyang taon na nagresulta ng pinsala sa naval equipment ng Pilipinas at ikinasugat ng ilang Navy personnel kabilang na si Seaman First Class Jeffrey Facundo.
Ayon kay Chinese Foreign Affairs Ministry Spokesperson Mao Ning, dapat na harapin umano ng panig ng Pilipinas ang consequence o resulta ng sarili nitong aksiyon.
Ginawa ng Chinese official ang pahayag matapos na i-demand ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na siyang nagsasagawa ng resupply at rotation mission sa BRP Sierra Madre outpost sa Ayungin shoal ang P60 milyong kabayaran sa mga pinsalang natamo ng panig ng PH sa naturang insidente.
Subalit hindi naman sinagot ng Chinese official kung babayaran o hindi ng China ang naturang halaga ng danyos.
Sa halip, iginiit ni Mao ang claim ng China sa Ayungin shoal na nagsasagawa umano ang Pilipinas ng ilegal na resupply missions sa BRP Sierra Madre na labag umano sa kanilang territorial waters at nagsisimula din umano ng probokasyon kapag hinaharang ng China Coast Guard na lehitimo umanong dinidepensahan ang soberaniya ng kanilang bansa.
Subalit nauna ng sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang Ayungin shoal ay nasa 423.30 nautical miles mula sa Paracels at 617.39 nautical miles mula sa Chinese mainland kayat malinaw na ito ay lagpas sa 200 nautical miles maximum para ituring na kanilang pagmamay-ari ito o sabihing nasa loob ng kanilang exclusive economic zone sa ilalim ng UNCLOS.
Kayat walang lehitimong karapatan ang China na pairalin ang soberaniya nito sa naturang shoal.