-- Advertisements --
PH softball team sea games

Labis ang kasiyahan ng coaching staff ng Philippine women’s softball team makaraang maibulsa nilang muli ang gintong medalya sa kanilang event sa 30th Southeast Asian Games.

Sa ika-10 pagkakataon kasi ay muling nagreyna ang Pilipinas sa women’s softball makaraang talunin nila ang Indonesia sa loob ng apat na innings, 8-0.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines kay RP Blu Girls head coach Randy Dizer, todo ang pasasalamat nito sa liderato ng Amateur Softball Association Philippines sa suportang ibinuhos para sa kanila.

Malaking bagay rin aniya na sa harap mismo ng kanilang mga kababayan sila lumaban na nagbigay sa kanila ng kumpiyansa upang magwagi sa laban.

“Siyempre masayang-masaya kami para sa mga kababayan natin. This is the first time that out team played na maraming mga Pilipino ang nanonood,” wika ni Dizer.

Itinuturing din ni Dizer na “easiest SEA Games ever” ang bersyon ngayong taon ng regional sports meet.

“Sa akin, our program, the support that we are getting from our national sports association, kung titingnan natin this the easiest SEA Games para sa amkn kasi well prepared ang team,” ani Dizer.

Pagkatapos ng kampanya sa SEA Games, tututukan naman ngayon ng tropa ni Dizer ang world championships, susunod na SEA Games, at maging ang Asian Games.

Wala pang nakakatibag sa Blu Girls na hawak na ang kampeonato sa kompetisyon mula pa noong taong 1979.

Sa kabilang dako, hindi naman pinalad ang Philippine men’s softball team matapos na pahiyain sila ng Singapore makaraan ang pitong innings.

Noong 2015 SEA Games kung saan huling isinama ang larong softball, gold medal ang nasungkit ng Pilipinas habang bronze naman ang host country noon na Singapore.