Ilulunsad ng Pilipinas at South Korea ang 2024/25 Knowledge Sharing Program (KSP), isang bilateral cooperation na naglalayong palakasin ang pagtutulungan sa enerhiya at magtayo ng mas ligtas at matatag na sistema ng enerhiya.
Ang programa ay ayon sa naging talakayan ng pamahalaan ng SoKor at Pilipinas noong Agosto nang nakaraang taon at isa sa mga plataporma ng dalawang bansa ay ang pagpapalitan ng kaalaman at may kinalaman sa kasanayan.
Ang naturang kooperasyon ay magdudulot sa Pilipinas ng kaalaman mula sa mga makabagong teknolohiya sa enerhiya ng South Korea habang ibabahagi rin ng Pilipinas ang sariling kaalaman sa geothermal at pumped hydropower generation.
Ilan pa sa mga kilalang institusyon sa enerhiya ng Korea ang sasali kabilang na ang Korea Energy Economics Institute (KEEI), Korea Advanced Institute of Science and Technology (KAIST), Korea Trade-Investment Promotion Agency (KOTRA), at Korea Hydro & Nuclear Power (KHNP).
Habang ang Asia Economic Development Committee (AEDC) ng S. Korea ang nangangasiwa sa pagpapatupad ng programa dito sa Pilipinas.
Binigyang-diin naman ni Department of Energy (DOE) Undersecretary Alessandro O. Sales, ang kahalagahan ng inisyatibang ito sa paghubog ng mga polisiya sa enerhiya at pagpapaunlad ng mga institusyon. In-highlight niya na ang mga pananaw mula sa KSP ay makakatulong sa paggawa ng mga polisiya at pagpapatupad ng mga makabagong solusyon sa enerhiya na angkop sa patuloy na pag-unlad ng pangangailangan ng bansa.
Sa kabilang banda binanggit din ni Senator Sherwin Gatchalian, na dumalo sa event, na makikinabang ang South Korea mula sa karanasan ng Pilipinas sa geothermal at hydropower, makakakuha naman ang Pilipinas aniya ng mahalagang kaalaman mula sa Korea sa mga larangan tulad ng smart grids, battery storage, at nuclear energy.
Ang 2024/25 KSP ay nakatuon sa pagtugon sa mga pangunahing prayoridad sa enerhiya, kabilang ang pagpapalawak ng imprastruktura para sa mga de-kuryenteng sasakyan, renewable energy integration, grid modernization, at mga advanced battery storage systems.
Layon naman ng Pilipinas ang 35% renewable energy share pagsapit ng 2030.
Sa ilalim ng KSP, nagsumite ang Pilipinas ng tatlong pangunahing mungkahi: ang pagpapabilis ng adoption ng mga electric vehicles, integration ng floating solar at smart grid technologies, at pagpapahusay ng mga capacity-building initiatives para sa pag-unlad ng malinis na enerhiya.