MANILA – Kakasuhan ng ilang environmental conservation group ang mga opisyal ng pamahalaan matapos umanong mabigo na aksyunan ang lumalang polusyon sa dagat ng Pilipinas.
Ayon sa marine conservation group na Oceana, pinadalhan na nila ng “notice to sue” ang National Solid Waste Management Commission (NSWMC) at mga miyembro nito.
“We can no longer bear the inaction of the NSWMC which has failed to implement its mandated task to prepare a list of non-environmentally acceptable products and packaging (NEAPP). Their lack of concern for 20 long years is far too deplorable and inexcusable. The groups believe it was time to interpose and seek legal action on this issue,” ani Oceana Vice President Atty. Gloria Estenzo-Ramos.
Kabilang sa mga miyembro ng NSWMC ay ang mga kalihim ng Environment, Trade, Science, Health, Public Works, at Agriculture department. Pati na ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority.
Noong 2015, tinatayang 2.7-milyong tonelada ng basurang plastic daw ang itinapon ng Pilipinas sa dagat. Ito ay base sa pag-aaral ng US-based environmental advocacy group na Ocean Conservancy.
Lumabas naman sa Waste Assessment Brand Audit 2019 report ng Global Alliance for Incinerators Alternatives (GAIA) na aabot sa 164-milyong piraso ng sachet, 48-milyong shopping bag, at 45.2-milyong piraso ng plastic labo ang ginagawa sa bansa kada araw.
Malaking banta raw ito kung lahat ng plastic na pino-produce kada araw ay dumi-diretso rin sa karagatan.
NABIGONG MANDATO
Sa ilalim ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, may mandato ang NSWMC na maglabas ng listahan ng mga NEAPP kada taon.
Pero matapos ang higit dalawang dekada mula nang ilunsad ang batas, dalawang single-use items pa lang ang nalilista ng komite bilang NEAPP: ang mga plastic straw at stirrers.
“While this is a much welcome development, considering that this mandate has been sitting for 2 decades, banning straws and stirrers alone is not enough. Our time is running out, we need to stop the plastic pollution at source. Our oceans are wallowing in plastics. We cannot and should not wait for another 20 years to ban single-use plastics nationwide,” ani Ramos sa isang statement noong Pebrero.
Una nang nanawagan ang Oceana at iba pang environmental groups na palawigin pa ang listahan ng NEAPP para dahan-dahang matuldukan ang polusyon ng plastic.
Kamakailan nang lumabas sa pag-aaral ng Netherlands-based organization na Ocean Cleanup na 80% ng plastic pollution sa karagatan ang galing sa Pilipinas.
Aabot sa 19 na ilog sa bansa ang kabilang sa “top 50 polluting rivers in the world,” kung saan una sa listahan ang Pasig River.
Isang pag-aaral din na inilunsad ng UP Marine Sciences Institute noong Abril ang nakatuklas sa tambak pa ring basura ng plastic sa Kalayaan Group of Islands.
IMBESTIGASYON
Nitong June 2 nang maghain ng resolusyon si House Deputy Speaker Loren Legarda para imbestigahan ang NSWMC.
Sa ilalim ng kanyang resolusyon, iginiit ni Legarda na nabigo ang komite na tupdin ang mandato nito sa paglalabas ng listahan ng NEAPP.
Ito ay sa kabila ng P1.3-bilyong pondo nito noong 2016 at 2017.
Ayon sa Climate Change Commission, panahon na para tuldukan ang problema sa single-use plastics.
Magagawa lang daw ito kung sisimulan ang pagba-ban sa paggamit ng single-use plastics sa buong bansa.
“Our country’s single-use plastic problem is already hurting the entire planet. This is not the wake-up call—we’ve already been hearing that for many years now; but it is high time to stop pressing the snooze button, and start solving the problem,” ani CCC commissioner Rachel Herrera.
“If the responses are not encouraging, we will have to proceed and avail of legal remedies available under the Constitution and the various laws,” dagdag ni Ramos.