Kulelat ang mga estudyanteng Pinoy sa pinakahuling Creative Thinking Assessment ng Program for International Student Assessment (PISA) na ginawa ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD).
Sa nasabing assessment, pangalawa ang Pilipinas sa pinakamababang mean score sa Creative Thinking Assessment na may score na 14, kasama ang Uzbekistan, ngunit mas mataas kaysa sa Albania na pinakamababa naman sa lahat ng bansang sumali sa pagsusuri.
Ang score ng Pilipinas ay mas mababa kaysa sa mean score na 33, na Economic Cooperation and Development (OECD) average.
Mas mababa rin ang ranking ng Pilipinas kumpara sa PISA average pagdating sa performance ng creative thinking ng mga babae at lalaki, kung saan ang mga babae ay may mean score na 16 at ang mga lalaki naman ay may score na 12.
Ayon sa OECD, ang Pilipinas, kasama ng Albania, Brunei Darussalam, Bulgaria, Macao, Morocco, at Uzbekistan, ay nagpakita ng pinakamalaking kahinaan sa kabuuang creative thinking, na mayroong hindi bababa sa tatlong puntos kumpara sa inaasahang performance base sa math at reading.
Sinabi ni Andreas Schleicher, OECD director for education and skills and special advisor on education policy to the secretary-general, na ang pagtatasa ng critical thinking ay natural progression para sa PISA
Ang mga resulta ay lumabas matapos ang pinakabagong PISA assessments sa pagbasa, matematika, at agham na nagpakita na ang mga mag-aaral na Pilipino ay nasa huli kumpara sa kanilang mga kapwa mula sa Southeast Asia.
Ito ang pinakabagong hamon na kinakaharap ng sistema ng edukasyon sa Pilipinas, na humaharap sa pangangailangan ng mas malalim na pag-unawa at pagpapabuti sa kakayahan ng mga mag-aaral sa pag-isip nang malikhain.