-- Advertisements --

MANILA – Kasali na sa International Ivermectin Clinical Trials Consortium ang grupo ng mga Pilipinong dalubhasa na nakatakdang mag-aral sa bisa ng ivermectin laban sa coronavirus disease (COVID-19).

Ang ivermectin ay isang uri ng anti-parasitic drug o pampurga sa mga alagang hayop, na kamakailan ay naging matunog na gamot umano kontra COVID-19.

Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), ang consortium na kinabibilangan na ng clinical trial team ng Pilipinas ay nagsasagawa ng “combined analysis” sa lahat ng randomized trials ng ivermectin sa buong mundo.

“This is being led by Dr. Andrew Hill of the Department of Pharmacology and Therapeutics, University of Liverpool, United Kingdom,” ani Science Sec. Fortunato dela Pena.

Sa kasalukuyan, 76 randomized clinical trials na ang ginagawa sa 30 bansa kaugnay ng bisa ng ivermectin bilang gamot sa COVID-19. Tinatayang 20,000 pasyente raw ang naka-enroll sa mga pag-aaral na ito.

Samantala, may 9,000 participants naman mula sa 11 bansa na pinag-aaralan din para naman sa bisa ng ivermectin bilang panlaban sa impeksyon ng coronavirus.

“This combined analysis looks at the data of ivermectin’s effect on COVID-19 treatment, prevention, survival benefits, effects on viral clearance, among others.”

Buwan-buwan daw nagpupulong ang International Ivermectin Project Team, kasama ang mga dalubhasa mula mga bansang nag-aaral sa naturang gamot.

Sa July 2 ang susunod na pagpupulong ng grupo, kung saan magpe-presenta ang mga siyentipiko mula sa Pilipinas.

Noong nakaraang buwan nang atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang DOST na maglunsad ng clinical trials sa ivermectin dahil sa mga panawagan na gamitin itong panggamot sa mga Pilipino.