-- Advertisements --
Ph table tennis team
Philippine table tennis team/ Photo courtesy of Philippine Table Tennis Federation Inc.

Kumpiyansa ang Philippine Table Tennis Federation (PTTF) na magagawang muli ng table tennis na makapaghandog ng karangalan para sa Pilipinas sa pagsabak nila sa Southeast Asian Games sa Nobyembre.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PTTF president Ting Ledesma, pawang mga beterano ang babandera sa kanilang line-up na pangungunahan nina SEA Games multiple medalist Richard Gonzales at Youth Olympian Jann Mari Nayre.

Bagama’t inamin ni Ledesma na Singapore at Vietnam ang inaasahan nilang magbibigay sa kanila ng matinding laban, tiwala sila na magagamit nila nang husto ang homecourt advantage upang magwagi sa kompetisyon.

Maganda rin aniya ang naging takbo ng kanilang dalawang buwang training camp sa South Korea na bahagi ng kanilang preparasyon para sa SEA Games.

Asam ngayon ni Ledesma na dominahin ng national squad ang lahat ng apat na mga events na kanilang lalahukan.

Hindi naman daw pressured ang mga atleta dahil ayon kay Ledesma, excited na nga raw ang mga ito lalo pa’t mismong sa Pilipinas at sa harap ng kanilang mga kababayan lalaban ang mga table tennis players.

Sisikapin ng table tennis na maibulsa ang kauna-unahan nitong gintong medalya sa regional sports meet dahil tanging bronze medal ang naiuwi ng bansa noong 2017 edition na idinaos sa Malaysia.