MANILA – Bumitaw kaagad ng mabibigat na mga sipa ang Philippine Taekwondo Team sa unang araw pa lamang ng kanilang events sa Rizal Memorial Sports Complex kaugnay sa nagpapatuloy na 30th Southeast Asian Games.
Dumagit ng apat na mga ginto at apat na pilak na mga medalya ang mga Pinoy jins upang dominahin ang walong Poomsae o Taekwondo pattern exhibition events sa mainit na panimula ng kanilang kampanya sa pag-ani ng gintong mga medalya para sa bansa.
Pinangunahan ni Rodolfo Reyes Jr., ang gold medal harvest ng koponan matapos na manguna ito sa Recognized Poomsae Individual Male event.
Sumingit din ng isa pang ginto sa Recognized Poomsae Individual Female event si Jocel Lyn Ninobla.
Hindi rin nagpaawat ang taekwondo trio ng bansa na sina Dustin Jacob Mella, Raphael Jacob Mella at Rodolfo Reyes Jr., na sinungkit ang isa pang gintong medalya sa Recognized Poomsae Team Male event.
Ito na ang ikaapat na gintong medalya ng tatlong Pinoy jins sa naturang kategorya sa SEA Games simula nang makuha rin nila ang gintong medalya noong 2013.
Muli pang nadagdagan ang gintong medalya ng bansa matapos manguna rin sa Freestyle Poomsae Individual Male si Jeordan Dominguez.
Dahil dito, nahigitan na ng Philippine Taekwondo Team ang nakuha nilang mga gintong medalya noong nakaraang 2017 SEA Games sa Malaysia kung saan nag-uwi lamang sila ng 2 golds, 3 silver, at 4 bronze medals.
Maliban sa mga gintong medalya, nakasingit din ng apat pa na mga silver medals ang Philippine Team sa Recognized Poomsae Pair, Recognized Poomsae Team Female, Freestyle Poomsae Mixed Team at Freestyle Poomsae Individual Female events.
Una nang sinabi ni Philippine Taekwondo Association Executive Officer Sung-Chon Hong na target nilang makasungkit ng limang gintong mga medalya sa ngayong biennial meet. (Report by Donnie Degala)