-- Advertisements --

Asam ngayon ng Pilipinas na ipadala ang pinakamalaking contingent nito sa Olympics sa gaganaping 2021 Summer Games sa Tokyo, Japan.

Pero ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino, ito raw ay kung magagawa ng nasa 60 mga atletang Pinoy na ma-qualify sa Olympics.

Paliwanag pa ni Tolentino, naghahanda na rin ang naturang mga atleta para sa mga Olympic qualifiers sa kani-kanilang larangan na magsisimula sa Enero hanggang Hunyo 2021.

Noong 1964 nang ipadala ng Pilipinas sa Olympics na ginanap din sa Tokyo ang pinakamalaki nitong delegasyon, na binubuo ng 60 atleta.

Sa nasabing edisyon ng Olimpiyada, inihandog ng Pinoy bantamweight na si Anthony Villanueva ang kauna-unahang silver medal ng bansa.

Sa kasalukuyan, apat na Pilipino pa lamang ang kwalipikado na sa Olympics, sa katauhan nina Eumir Marcial at Irish Magno ng boxing, Ernest John Obiena ng athletics, at Carlos Yulo ng gymnastics.